TEN TUMBLING THOUGHTS TODAY TUNGKOL: SA ULAN

1. Noong bata ka, tuwing maliligo kayo ng mga kaibigan mo sa ulan, laging may tropa kayong naglulupasay sa loob ng bahay nila dahil ayaw payagan ng nanay niyang magpakabasa.

 

2. At kapag hinayaan na siya o tumakas palabas, malamang sa malamang, titila ang ulan habang tatlong strands lang ng buhok niya ang basa. Tapos masisisi pa na siya ang dahilan ng paghinto ng mga patak. Magkakaroon din ng discussion tungkol sa posibilidad na may balat siya sa pwet.

 

3. Doon mo din nalaman na hindi magandang maglayag ng bangkang papel kapag maulan. Dahil malulusaw agad ang papel. Pwede lang ito sa mga panahong tumila na ang ulan at ang tanging naiwan ay ang umapaw na kanal.

 

4. Kapag naligo ka sa ulan at hindi ka nagkasakit, lagi mo itong gustong idahilan sa nanay mo sa susunod na trip mong maligo sa labas. “Bakit noong nakaraan hindi naman ako nilagnat, ha, di ba? Sige na. Mabilis lang po. Maghuhubad na lang ako para walang basang damit. Sige na po.”

 

5. Ang sarap tumapat sa alulod o bubong na sumasala at nagiipon ng ulan kaya malakas ang buhos sa pwestong iyon. Naka-nganga ka pa minsan. LIngid sa iyong kaalaman ang dami ng pusang ginamit iyon bilang kubeta.

 

6. Laging may nakataling pamahiin sa ulan. Madalas, depende sa petsa. Halimbawa, kapag unang ulan ng isang partikular na buwan, it’s either may kapangyarihan itong magpagaling o magdulot ng sakit. Hindi ako sigurado. Pabago-bago kasi ng statement ang ermat ko noon.

 

7. Kapag malakas ang ulan, doon mo malalaman kung anong mga kasangkapan sa bahay niyo ang may kapasidad na magdala ng malaking volume ng tubig dahil sa pesteng tulo ng bubong. Mula sa tipikal na timba at planggana, hanggang sa kaserola at mangkok, pati na din ang ipinamanang arinola ni lola .

 

8. Ang pinakapaboritong ulan ay ang malakas ang bagsak at nangyayari tuwing linggo ng hapon o gabi. Dahil ito ang uri ng ulan na sumisimbolo sa pag-asa. Ang pag-asa na walang pasok kinabukasan.

 

 

9. Siksikan sa jeep. Mainit. Badtrip. Biglang umulan. Wow. Lumamig. Ang sarap ng hangin. Tapos isinarado ang mga bintana o tinapalan ng malinaw na plastic cover. Ang init ulit. Badtrip.

 

 

10. Ang mga biglaang bagsak ng ulan o ‘basang hindi inakala’ ay kadalasang isinisisi sa panget na boses, mga mythical creatures na nagpakasal at tropa mong mababa ang standards pagdating sa personal hygiene pero pasurpresang naligo.